Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na “all systems go” na ito para sa nakatakdang roll-out ng isang single operating system sa lahat ng transaksyon sa pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilarga na ang paglikha ng single operating system para mapabilis ang serbisyo sa bansa.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, buo ang suporta niya sa inisyatibo ng Pangulo na magpapabilis rin sa pagpapatupad ng e-governance programs sa ahensya at bigyan ng 24/7 na access ang publiko.
Kaugnay nito, tinukoy ng DICT na iba’t ibang hakbang na rin ang ipinatupad nito alinsunod sa direktiba ng Pangulo kabilang ang eGov Super App sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at maging ang pinaplantsabg comprehensive e-commerce portal para matulungan ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
“We welcome this timely action of President Marcos Jr. as we continue to promote ease of doing business while curbing red tape in government transactions through traceability and accountability,” pahayag ni Secretary Uy. | ulat ni Merry Ann Bastasa