Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na siya mismo ang magtitiyak sa seguridad at kaligtasan ni suspended Representatve Arnulfo ‘Arnie’ Teves, Jr. sakaling magdesisyon itong umuwi ng Pilipinas.
Sinabi ito ng kalihim matapos ibahagi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na base sa pakikipag-usap niya kagabi kay Teves ay ipinahayag nito ang takot na umuwi sa bansa dahil umano sa banta sa kanyang buhay.
Ayon kay Abalos, siya mismo ang mananagot kung may mangyaring masama kay Teves dito sa Pilipinas.
Sa pagdinig rin ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na wala pang warrant of arrest hanggang ngayon laban kay Teves para sa anumang kaso, kasama na ang kaso ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Dahil dito, hindi pa aniya maaaring arestuhin si Teves sakaling tumapak itong muli sa Pilipinas.
Kasabay nito ang panawagan at panghihikayat ni dela Rosa kay Teves, na umuwi na ng bansa at handa aniya ang Senado na maghintay sa kanya kahit hanggang gabi kung magpapahayag ito ngayong araw na personal na haharap sa kanilang pagdinig. | ulat ni Nimfa Asuncion