Pagsusumikapan ng Department of Migrant Workers na mapauwi ang 340 Pilipino mula sa Sudan sa pamamagitan ng chartered flight.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na nagkakaproblema na sa commercial flights gayundin sa hotel accommodation dahil sa volume ng mga turista at indibidwal na galing sa Sudan border.
Nakatawid na aniya sa Egyptian border ang mga Pinoy at kasalukuyang nasa immigration holding area para sa tamang proseso at pagsasaayos ng papel.
Ipinaliwanag ni Ople na karaniwang inaabot ito ng dalawang araw ngunit hindi naman pababayaan ang mga Pilipino lalo na sa pagkain at tubig.
Hinahanapan na ng DMW ng pansamantalang matutuluyan ang mga Pilipino upang makapagpahinga bago ibiyahe sakay ng bus patungo sa Cairo, Egypt na aabutin ng 15 oras.
Dagdag pa ng kalihim, mas marami ang suportang matatanggap sa Cairo kabilang ang maayos na accommodation dahil naroon ang embahada ng Pilipinas at may mga miyembro ng Filipino community na handang tumulong. | ulat ni Hajji Kaamiño