Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang ginagawang hiwalay na imbestigasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa umano’y nangyaring “cover-up” sa pagrekober ng PNP Drug Enforcement Group ng 990 kilo ng shabu mula kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. noong nakaraang Oktubre.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, hindi nila nakikita ito na kontra sa ginagawang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) ng PNP sa insidente.
Paliwanag ni Fajardo, nakikipagtulungan din ang SITG sa Fact-finding Committee ng NAPOLCOM para masolusyunan ang isyu.
Katunayan aniya ay may mga isinumiteng dokumento at iba’t ibang piraso ng ebidensya ang SITG sa NAPOLCOM, na bahagi ng pagtutulungan ng dalawang ahensya para malaman ang buong katotohanan.
Sinabi ni Fajardo na batid ng PNP na may administrative Control and supervision sa kanila ang NAPOLCOM, at bahagi lang aniya ito ng sistema ng “checks and balances”.
Matatandaang inutusan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang NAPOLCOM na magsagawa ng sariling imbestigasyon matapos na mabagalan sa itinatakbo ng imbestigasyon ng PNP. | ulat ni Leo Sarne