Nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Kidapawan sa probinsiya ng Cotabato sa pamamagitan ng Office of the City Veterinarian ang hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF sa kanilang lugar.
Sa ginanap na hog dispersal noong araw ng Biyernes March 31, 2023 na pinangunahan ni Kidapawan City Mayor Paolo Evangelista at City Veterinarian Dr. Eugene Gornez, 17 hog raisers ang nakatanggap ng libreng dalawa hanggang tatlong biik bawat isa kung saan kabilang din sa mga ipinamahagi ang starter feeds.
Layon ng ASF Recovery Program ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan na tulungan ang mga naapektuhang mga nag-aalaga ng baboy na makaahon mula sa negatibong epekto ng ASF sa kanilang komunidad.
Lumagda naman sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang mga benepisyaryo at ang City Government kung saan nakasaad and responsibilidad ng bawat benepisyaryong paramihin ang mga biik at sa City Government naman ang pagmo-monitor sa kalagayan ng biik na manatiling malusog at maayos na lumaki para maibenta sa mga pamilihan.
Matatandaang sumailalim sa ‘culling’ ang lahat ng mga baboy sa mga lugar na tinamaan ng ASF sa Kidapawan para masigurong hindi kakalat ang sakit sa iba pang mga hayop sa kalapit na lugar. | ulat ni Macel Mamon Dasalla | RP1 Davao