Malaking bagay sa National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ng Marcos administration.
Sinabi sa Laging Handa Public Briefing ni NAPC lead convenor Secretary Lope Santos lll na isa ang urban decongestion sa kanilang itinataguyod na adbokasiya at magandang pagkakataon ang proyektong pabahay ng administrasyon para maabot ang decongestion effort.
Tuhog din aniya nito, ani Santos, ang nilalayon ng Magna Carta for the Poor na mabigyan ng disenteng pabahay ang mga mahihirap na siya namang tinututukan din ng kanilang ahensya o NAPC.
Kaugnay nito’y inihayag ng opisyal na tuloy-tuloy ang pakikipag-usap at dayalogo ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang stakeholders para mabigyan ng pabahay ang mga nangangailangang mahihirap.
Sa pamamagitan aniya ng pagtatayo ng tinatarget na anim na milyong housing units sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay hindi lamang matutugunan ang housing gaps kundi matutumbok na din nito ang sinisikap na mapaluwag ang nagsisiksikan ng mga urban areas gaya ng National Capital Region (NCR). | ulat ni Alvin Baltazar