Tuloy ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs ngayong araw sa maanomalyang pagkakasabat ng 990-kilos ng shabu sa Maynila, Oktubre ng nakaraang taon.
Ang imbestigasyon ng Komite ay bahagi ng motu proprio inquiry tungkol sa nabunyag na drug recycling.
Una nang inihayag ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, chair ng komite na inimbitahan nila sa pagdinig ang ilan sa mga pulis na sinasabing sangkot sa cover-up sa naturang drug buy bust.
Kabilang dito sina Police Lt. Gen. Benjamin Santos Jr. na dating Deputy Chief PNP for Operations; Brig. Gen. Narciso Domingo, director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG); Col. Julian Olonan, pinuno ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit (SOU) Region 4A; at Capt. Jonathan Sosongco, na siyang head ng PDEG SOU 4A arresting team.
Kasama rin sa inimbitahan sina Lt. Col. Arnulfo Ibañez, OIC ng PDEG SOU National Capital Region (NCR); Maj. Michael Angelo Salmingo, deputy ng PDEG SOU NCR; Lt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District; Lt. Ashrap Amerol, intelligence officer ngPDEG Intelligence and Foreign Liaison Division; Lt. Col. Harry Lorenzo, Manila Police District Moriones Station Commander; at Captain Randolph Piñon, chief of PDEG SOU 4A Intelligence Section.
Hindi naman makumpirma kung pahihintulutan ding humarap si dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na siyang sangkot sa naturang buy-bust.
Inaasahan din na haharap sa komite sina DILG Sec. Benhur Abalos, DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, at bagong talagang PNP Chief Benjamin Acorda Jr.
Ayon kay Barbers, nais nilang maliwanagan sa nangyaring internal investigation ng PNP sa kanilang mga tauhan na sangkot isyu.
Dapat din aniyang maisiwalat kung paano may halos isang tonelada ng shabu sa pag-aari ng isang pulis at kung iniimbestigahan rin ng PNP ang isyu ng drug recycling.
“As far as we know, only dismissed P/MSgt. Rodolfo Mayo Jr. had been charged in court. We have not heard or seen any details of his administrative and criminal cases. What about the other officers who we believe participated in the alleged double coverup and double recycling attempts in said incident. Sa ngayon, naka-focus ang police at publiko sa 42 kilos na pinuslit ng dalawang ahente ng PNP-DEG SOU Region 4a na balak nilang i-recycle. Pero dapat din bigyang diin saan nanggaling yung 990 kilos na shabu na na ire-recycle din. The reason is simply because they provide factual information needed to establish accountability and effective policies to prevent similar incident in the future,” ani Barbers. | ulat ni Kathleen Jean Forbes