Pinagkakasa ni Deputy Speaker Camille Villar ng isang malalimang assessment at pag-aaral ang kasalukuyang estado ng mental health ng mga mag-aaral.
Sa kaniyang House Resolution 900, tinukoy ng mambabatas na mahalagang matukoy ang estado ng mental health ng mga estudyante at maging ng kabuuan ng populasyon upang makapaglatag ng angkop na tugon.
Malaki kasi aniya ang naging epekto ng pandemya lalo na sa mga kabataan kung saan batay sa datos, mahigit 400 suicides ang naitala sa school year 2021 hanggang 2022.
Sa may 28 million na batang estudyante sa public schools, 775,962 ang lumapit at humingi ng tulong sa mga guidance counselor.
8,000 sa bilang na ito ay dahil sa bullying.
Nagkaroon din aniya ng pagtaas sa mga estudyante edad 13 hanggang 15 na ikinonsidera o sinubukan ang pagpapatiwakal batay sa 2015 at 2019 survey ng World Health Organization.
Mula sa 11.6 percent ng mga estudyante na “seriously considered attempting suicide” noong 2015 ay tumaas ito sa 23.1% noong 2019.
Habang ang mga nagkaroon ng attempted suicide ay tumaas sa 24.3% noong 2019 mula sa 16.2% noong 2015.
“There is a need to conduct an in-depth assessment of and comprehensive study by relevant government agencies—such as the Department of Health, Department of Education and the Philippine Statistics Authority—on the present state of mental health of the country’s education sector in particular and the overall population in general to address immediate needs in a bid to establish more mental health units in schools, hospitals, or rural health units, among other measures,” saad ni Villar.
Umaasa naman ang Las Pinas solon na sa pamamagitan ng research ay mapagbuti ang mental health access sa mga paaralan at komunidad at kabuuan ng education sector. | ulat ni Kathleen Jean Forbes