Pinapayagan na ng Department of the Interior and Local Government ang in-person o pisikal na pagdaraos ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Ang abiso ay inilabas ng DILG para sa mga Local Government Units at DILG Regional Offices sa buong bansa matapos ang tatlong taong suspensyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay DILG Undersecretary for Local Government Marlo Iringan, ang pisikal na pagsasagawa ng NSED, ay alinsunod sa kautusan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council .
Inaatasan nito ang mga LGUs at DILG Regional Offices na magtalaga ng kani-kanilang Safety and Health Officers na sisiguro sa pagpapatupad ng minimum health protocols laban sa COVID-19 habang isinasagawa ang sabayang earthquake drill.
Inoorganisa ng NDRRMC ang quarterly NSED na naglalayong itaas ang kamalayan at kahandaan ng publiko sakaling magkaroon ng lindol.
Sa darating na Hunyo 8, nakatakdang isagawa ang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill . | ulat ni Rey Ferrer