Nadiskubre ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Catanauan ang isang inland wetland sa Mulanay, Quezon nang magsagawa ito ng site assessment sa mga lugar na sakop ng Presidential Proclamation 2152 kamakailan.
Ayon sa pabatid ng tanggapan, batay sa panayam sa mga opisyal ng Brgy. Sto. Niño, ang nadiskubreng inland wetland ay tahanan ng Philippine wild duck, Philippine Sailfin Lizard, at Monitor Lizard na namataang nanginginain at naglalangoy sa nasabing lugar.
Bukod sa mga nasabing wildlife, namataan din ang migratory birds tulad ng white egret, herons, at kingfishers.
Sinuri ng CENRO Catanauan ang wetland at itinala ang eksaktong lokasyon at technical description nito gamit ang Global Positioning System o GPS.
Isasailalim sa profiling ang wetland upang matukoy ang characteristics at classification system nito batay sa criteria ng pagtukoy sa wetlands na mahalaga sa biodiversity conservation. | ulat ni Mara Pepaño-Grezula | RP1 Lucena