Bumilis pa ang internet speed sa Pilipinas nitong Marso ng 2023, ayon sa pinakabagong datos na ipinalabas ng global speed monitoring firm Speedtest by Ookla.
Batay sa pinakabagong Ookla Speedtest Global Index Report, tumaas ang fixed broadband at mobile download speeds sa Pilipinas nitong nakaraang buwan.
Tumaas ang mobile median download ng bansa sa average na 25.63megabits per second (Mbps) mula sa 24.58Mbps noong Pebrero.
Katumbas ito ng 13.66% improvement mula nang pumasok ang Marcos administration.
Samantala, nag-improve rin sa 90.57Mbps ang fixed broadband median speed na kumakatawan sa 19.66% mula noong Hulyo ng 2022.
Ayon naman sa National Telecommunications Commission (NTC), nananatiling prayoridad ng Marcos administration ang pagpapabuti sa internet speed sa bansa kaya naman hinikayat na rin nito ang mga telco na suportahan ang digitalisasyon ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at gayundin ng gobyerno. | ulat ni Merry Ann Bastasa