Isang bagong K to 12 program ang itinutulak ni dating Pangulo at ngayon at Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sa pulong ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education kaugnay sa panukalang pagpapalakas sa technical, vocational and livelihood curriculum ng senior high school, inilatag ni SDS Arroyo ang kaniyang House Bill 7893 o “K + 10 +2” Bill.
Aniya, sa kabila ng hangarin ng kasalukuyang K to 12 program, lumalabas sa mga pag-aaral na hindi epektibo ang dagdag na dalawang taon sa senior high, na pawang tech-voc programs.
Batay kasi sa survey at karanasan ng mga K to 12 graduates, mas pinipili pa rin ng mga employer ang mga may college degree.
Dahil dito binuo ni Arroyo ang panukala matapos konsultahin sina Department of Education (DepEd) Secretary at Vice President Sara Duterte at maging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng panukala ng Pampanga solon, babalik sa sampung taon ang basic education kung saan pagsapit ng 4th year high school ay graduate na ang estudyante.
Magkakaroon naman ng “+2” years na inihalintulad sa preparatory university education sa Europe para sa mga nais tumuloy sa professional degree.
“The last two years will not be voc-tech (vocational-technical education), they will be similar to the foundation of college courses in Europe while they are preparatory to university education… In my bill, it will be K + 10 because it will (only) be up to Fourth Year High School and then they (students) graduate. the graduates will have two years which they can use for post-secondary or pre-university education for those who want to proceed to a professional degree,” saad ni Arroyo.
Sinusugan naman ni Sarangani Representative Christopher Solon ang panukala ng dating pangulo upang mas lalong maging globally competitive ang ating mag-aaral.
Marami kasi aniyang foundational courses gaya ng Calculus at Physics ang nakaligtaan na.
“We’re missing on Basic Calculus, we’re missing on Physics 101, and we’re missing on many foundational courses. And at least there’s that option that if a student wants to go tech-voc, then the student can proceed to TESDA and not jeopardize his or her status of high school diploma,” ani Solon.
Nangako naman ang dalawang chair ng dalawang komite na sina Representative Roman Romulo at Representative Mark Go na oras na maisalang sa first reading ang panukala ni Arroyo at ma-refer sa komite ay agad itong diringgin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes