Hinihingi ng Senado ang kopya ng kasunduan para sa paggamit ng apat na dagdag na lugar na pagdadausan ng Balikatan Exercises sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, tinanong ni Committee Chairperson Senador Imee Marcos ang totoong pakay ng bagong EDCA sites, kabilang ang mga lugar sa Cagayan.
Iginiit ni Marcos, na kung ang tunay na pakay ng EDCA ay para sa humanitarian at disaster response ay dapat maglagay rin ng EDCA sites sa may Samar Region, na madalas daanan ng malakas na bagyo.
Kung counter terrorism naman aniya ang layunin nito ay dapat lagyan rin ng EDCA sites sa BARMM o ilang bahagi ng Mindanao.
Tinanong rin ng mambabatas kung ano ang papel ng EDCA sa modernization plan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tugon naman ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na ang modernization effort ng EDCA ay para mapaghanda ang Pilipinas na depensahan ang ating bansa katuwang ang ating mga kaalyado. | ulat ni Nimfa Asuncion