Umalma ang mga abogado ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. hinggil sa mga naririnig nilang batikos sa nagpapatuloy na preliminary investigation sa kinakaharap na kaso ng kongresista na illegal possesion of firearms.
Sa pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, huwag gawing mala-drama ang imbestigasyon kung saan binabatikos silang mga abogado dahil sa pagtatanggol kay Teves.
Aniya, nananawagan sila sa Department of Justice (DOJ) na dapat kontrolin ang pagsasagawa ng proceedings at huwag itong gawing circus.
Giit pa ni Topacio, ang mga sangkot na indibidwal lang sana ang kasama sa ginagawang pagdinig at hindi dapat ang mga nagpaparinig at bumabatikos sa kanilang ginagawa.
Kinuwestyon rin ng abogado ni Teves ang naging hakbang ng senado kung saan hinakot ang mga testigo gamit ang eroplano ng Philippine Air Force.
Hindi rin tama ang naging desisyon ng senado na hindi na padaluhin via virtual si Teves lalo na’t hindi ito parte ng tinatawag na patas na pagdinig dahil hindi maririnig ang pahayag ang kanilang kliyente. | ulat ni Lorenz Tanjoco