Inatasan ng Department of Transportation o DOTr ang pamunuan ng Manila International Airport Authority o MIAA gayundin ang mga airline company na tiyaking mabilis at hassle free ang pagbiyahe ng mga bakasyunista ngayong Semana Santa.
Ito ang inihayag ni Transportation Sec. Jaime Bautista kasunod ng isinagawa niyang pag-iinspeksyon sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong araw.
Ayon kay Bautista, bagaman nagdagdag na ng check-in counters ang mga airline company upang maiwasan ang mahabang pila sa mga check-in counter, hiniling naman niya sa MIAA na huwag nang maningil ng renta para rito.
Gayunman, umapela ang Transport Chief sa mga tutungo sa paliparan ngayong araw na maglaan ng 2 hanggang 3 oras mula sa scheduled flight upang hindi maabala o magkaroon ng aberya sa kanilang biyahe.
Mahalaga aniya ito upang mapanatiling tuloy-tuloy ang pagbiyahe ng mga pasahero hanggang sa kanilang pagbabalik Maynila sa susunod na linggo. | ulat ni Jaymark Dagala