Pinakokonsidera ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa Bureau of Animal Industry na magpatupad ng nationwide vaccination ng mga baboy kontra African Swine Fever (ASF).
Ang mungkahi ng mambabatas ay kasunod ng ulat ng ahensya, na hanggang nitong March 27, lahat ng rehiyon sa bansa maliban na lamang sa Metro Manila ay tinamaan na ng ASF.
Pinakahuli dito ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ani Villafuerte oras na matapos na ang trial period sa ASF vaccine na gawa ng Vietnam ay agad itong i-roll out upang maprotektahan ang mga baboy mula sa sakit.
Babala nito na kapag tinamaan muli ng ASF ang swine industry ay magreresulta ito sa kakulangan sa suplay na mauuwi naman sa taas-presyo ng karne ng baboy.
“The BAI should weigh the feasibility of implementing a nationwide anti-ASF drive to help especially the backyard raisers to save their animals—and stave off another undue spike in pork prices that could further drive up the already elevated inflation,” ani Villafuerte.
Batay sa pagtaya ng Department of Agriculture, posibleng magkulang ng 46,000 metric tons (MT) ang karne ng baboy sa Hunyo kumpara sa projected demand na 145,849 MT.
Sa pagtama ng ASF sa bansa noong 2019 ay napababa nito ang swine production ng hanggang 50%. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
?: DA