Paiiralin ang “no vendor policy” sa “Nazareno Motorcade” sa Maynila sa Biyernes Santo.
Ayon kay Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan, kasado na ang naturang motorcade, batay sa napagkasunduan ng local na pamahalaan ng Maynila, pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, Hijos del Nazareno, at iba pang stakeholders.
Ang motorcade, kung saan ilalabas ang imahen ng Poong Itim na Nazareno, ay magsisimula ng 12:01 ng madaling araw ng Good Friday.
Ayon kay Lacuna-Pangan, ang Nazareno Motorcade na ito ay “Prelude” ng Traslacion 2024.
At dahil inaasahang dadagsain ng mga deboto ang motorcade, sinabi ni Lacuna-Pangan na ngayon pa lamang ay nakikiusap na sila sa mga vendor sa “vicinity” o paligid ng Simbahan ng Quiapo na huwag na munang magtinda.
Sinabi ng alklalde na hindi papayagan na makapagtinda ang sinumang vendor sa panahon ng motorcade, para matiyak ang kaayusan at tuloy-tuloy na usad ng motorcade sa mga itinakdang ruta.
Dagdag ni Lacuna-Pangan, maraming mga misa na isasagawa kaya talagang pang-unawa mula sa mga vendor ang hinihingi ng Manila LGU para mairaos nang mapayapa ang mga aktibidad na may kinalaman sa Semana Santa. | ulat ni Lorenz Francis Lorenz Tanjoco