Nanawagan si Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred Delos Santos sa mga ahensya ng pamahalaan, gaya na lamang ng Department of Trade and Industry (DTI), na tiyaking makaabot sa mga pamilihan ang sapat na produktong pagkain.
Sa kabila kasi aniya ng pagbagal ng inflation noong buwan ng Marso, ay nananatiling mataas ang presyo ng major food items, lalo na sa mga rehiyon sa labas ng National Capital Region (NCR).
Katunayan, nag-double digit pa aniya ang taas-presyo ng tinapay, isda, mantika, asukal, gulay, at prutas kung saan ang pangunahing apektado ay ang mga low-income household.
Bunsod nito kailangan aniyang matiyak ng DTI at iba pang ahensya na bantayan ang ani sa buwan ng Abril hanggang Hunyo na makarating sa mga pamilihan na may risonableng presyo.
Hinikayat din nito ang on-time na pag-rollout ng mga programang pinondohan sa 2023 National Budget gaya ng subsidiya sa sektor ng agrikultura at transportasyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes