Ikinalugod ni Maguindanao del Norte with Cotabato City Rep. Bai Dimple Mastura ang pormal na panunumpa sa tungkulin ng ilan sa mga opisyal ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur ngayong araw.
Ayon sa mambabatas, ang pagkakaisang ito ng mga lider ng lalawigan ng Maguindanao del Norte at Del Sur ay hudyat ng isang masagana, mapayapa at produktibong rehiyon sa Bangsamoro.
Mismong si Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang nanguna sa oath taking nina Maguindanao del Norte Governor Abdulraop Abdul Macasena, Vice Gov. Fatima Ainee Limbona Sinsuat, at board members Armando Mastura, Mashur Ampatuan Biruar, Datu Rommel Seismundo Sinsuat, Alexa Ashley Tomawis, at Aldulnasser Maliga Abas.
Nanumpa rin ang Maguindanao del Sur officials sa pangunguna ni Gov. Mariam Sangki Mangudadatu, Vice Gov. Nathaniel Sangacala Midtimbang, at board members Bobby Bondula Midtimbang, Ahmil Hussein Macapendeg, Yussef Abubakar Musali Paglas, Alonto Montamal Baghulit, at Taharudin Nul Mlor.
Pagbibigay diin pa ni Mastura na panahon na para sa pagtutulungan ng mga opisyal upang mapagbuti ang lagay ng pamumuhay ng mga taga Bangsamoro region.
“Nakakataba ng puso ang makitang lahat ay nagkakaisa para sa ikauunlad ng ating bayan. Panahon na upang tayong lahat ay magkaisa at magtulungan upang mapaunlad ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan sa rehiyon ng Bangsamoro”, saad ni Mastura. | via Kathleen Jean Forbes