Muling pinapayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na laging mag-ingat sa kanilang pagmamaneho sa lahat ng oras at pagkakataon.
Ito ay makaraang ilabas ng MMDA ang mga oras kung kailan madalas nangyayari ang aksidente sa mga pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.
Batay sa Metro Manila Accident Report Analysis system mula 2017 hanggang 2020, na naitala para sa Comprehensive Traffic Management Plan for Metro Manila, 11AM hanggang 12PM madalas naitatala ang mga aksidente.
Nakapagtala rin ang MMDA ng mga aksidente sa pagitan ng 4PM at 7 PM, kung kailan dagsa na ang mga motoristang papauwi sa kani-kanilang tahanan na mas kilala bilang “rush hour.”
Dahil dito, pinaalalahanan ng MMDA ang mga motorista na tiyaking nasa kondisyon ang kanilang pangangatawan at isipan, bago at habang nagmamaneho upang makaiwas sa aksidente. | ulat ni Jaymark Dagala