Ngayong inaasahan ang pagdagsa ng mga biyaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya, nagpaalala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa lahat ng mga operator at driver ng mga pampublikong transportasyon tulad ng bus na limitahan sa rated “G” at/o “PG” ang mga pelikulang kanilang ipapanood sa mga pasahero.
Ang G (General Patronage) ay bukas sa lahat ng edad habang ang PG (Parental Guidance) rating ay kinakailangan ng patnubay ng magulang.
Batay sa MTRCB Memorandum Circular no. 09-2011, ang lahat ng mga pampublikong sasakyan at pampublikong lugar na nagpapalabas ng “motion picture” ay itinuturing na rin na “movie theaters,” dahil ito ay accessible sa lahat.
Kaya naman, bawal na magpalabas ng mga pelikula na lagpas sa PG rating dahil maaaring naglalaman ito ng mga tema o eksenang malaswa, marahas, at nakakatakot na hindi angkop sa mga bata.
Ang sinumang lalabag rito ay maaaring mapatawan ng pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang isang taon, multang ₱2,000 hanggang ₱5,000 at kanselasyon ng kanilang prangkisa.
Kaugnay nito ay nag-ikot na rin ang ilang tauhan ng MTRCB sa mga terminal para paalalahanan ang mga PUV driver.
Hinihikayat naman ang mga pasahero na i-report ang anumang paglabag sa MTRCB. | ulat ni Merry Ann Bastasa