Pinangunahan ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. ang delegasyon ng Philippine Army sa “Konsyerto sa Palasyo: Araw ng Magiting” sa Malacañang grounds nitong Sabado.
Dito’y nakasama ng mga sundalo at kanilang mga pamilya ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, at AFP Chief of Staff General Andres Centino sa pagsaksi sa pagtatanghal ng mga Original Pilipino Music (OPM) artists.
Kabilang sa mga nagtanghal ang balladeer at Army reservist na si 1st Lt. Ronnie R. Liang.
Ang “Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting” ay inisyatiba ng Pangulo bilang Commander-in-chief, upang pasalamatan at bigyang pagkilala ang sakripisyo at kabayanihan ng mga sundalo sa kanilang pagtataguyod ng soberenya, kapayapaan at seguridad ng bansa.
Ang aktibidad ay una sa serye ng mga libreng konsyerto na isasagawa sa Malacañang sa buong taon. | ulat ni Leo Sarne