Nagpaalala si Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian sa mga taxpayer na maghain ng income tax return (ITR) ngayong papalapit na ang deadline.
Nakatakda na kasi sa April 17 ang deadline ng paghahain ng 2022 Annual Income Tax Return (AITR) at ang pagbabayad ng kaukulang buwis.
Giit ni gatchalian, wala nang dahilan ang mga taxpayer na hindi makapaghain ng kanilang ITR bago o pagdating ng mismong deadline dahil maaari silang pumunta saan mang branch ng BIR o bangkong otorisado ng BIR.
Nanawagan din ang senador sa BIR na pabilisin ang programa nitong digitalization para mas maging madali sa mga taxpayer na magbayad ng kanilang obligasyon.
Target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kumolekta ng 2.599 trilyong piso ngayong taon, mas malaki kumpara sa aktwal na koleksyon na 2.3 trilyong piso noong nakaraang taon. | ulat ni Nimfa Asuncion