Muling nagpaalala ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero na agahan ang pagpunta sa airport upang hindi maiwanan ng kanilang flight.
Ngayong Lunes Santo inaasahan ang mas maraming pasahero dahil ilan sa mga manggawa ay nag-leave na sa trabaho para sa mas mahabang bakasyon hanggang sa susunod na Lunes na ideneklarang holiday.
Ayon kay Bryan Co, assistant general manager ng MIAA, mainam na nasa airport na ng tatlong oras para sa international flight at dalawang oras naman para sa domestic flight.
“Ilan sa mga airline ay nag-open ng hanggang limang oras bago ang flight para sa check-in counter process. Ito ang isinagawang intervention dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero,” ani Co.
Samantala, nasa 1.2 milyong pasahero ang inaasahan sa NAIA ngayong Holy Week. | ulat ni Don King Zarate