Nagluluksa rin ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagpanaw ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario.
Sa isang statement, kinilala ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang dedikasyon at pagiging tunay na makabayan ni Del Rosario, na nagsilbi nang may integridad, husay at malasakit.
Itinuturing aniya na visionary leader ang dating kalihim, na nauunawaan ang kahalagahan ng diplomasya at walang pagod na naglingkod upang isulong ang interes ng Pilipinas sa mundo.
Binigyang-diin din ni Ople, na pinangunahan ni Del Rosario ang DFA nang may tapang, determinasyon at ang kanyang liderato ang humubog sa foreign policy agenda.
Dagdag pa ni Ople, bukod sa napagtagumpayan ni Del Rosario ay minahal din ito bilang mentor, katrabaho at kaibigan na laging may oras para sa sinumang nangangailangan.
Iginiit ni Ople na kampeon si Del Rosario sa paninindigan para sa soberanya at territorial integrity, lalo at hindi nito hinayaan na ma-bully ang bansa at ipinagtanggol ang karapatan. | ulat ni Hajji Pantua Kaamiño