Ikinalugod ng National Security Council ang naitalang pagbaba ng ranking ng Pilipinas sa pinakahuling Global Terrorism Index (GTI) ng Institute for Economic and Peace (IEP).
Batay sa naturang index ay pang-18 na ang Pilipinas sa mga bansang pinakaapektado ng terorismo, mula sa pang-10 ranggo noong taong 2018.
Ayon sa NSC, malinaw na testamento ito ng mga hakbang ng pamahalaan para maresolba ang problema ng insurgency sa bansa.
Resulta rin ito ng pagpapatupad ng ilang landmark measures gaya ng Bangsamoro Organic Law, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti-Terrorism Act.
Tinukoy rin ng NSC, na bagamat pangalawa ang bansa sa pinakaapektado ng terorismo sa Southeast Asia, lumalabas naman sa GTI na nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamababang lebel ng terorismo sa nakalipas na 10 taon.
Nagpapakita lamang aniya ito na nasa tamang landas ang pamahalaan sa counter-insurgency efforts nito.
Kasunod nito, tiniyak ng NSC na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay patuloy na pagsusumikapang makamit ang adhikaing wakasan ang terorismo sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa