Pagbuo ng Dep’t of Water Resources, pinamamadali ng mambabatas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Muling kinalampag ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang mga kasamahang mambabatas na aksyunan at ipasa na ang panukalang magtatatag ng isang Department of Water Resources Management (DWRM).

Ayon sa mambabatas, panahon nang magkaroon ng isang ahensya na tututok sa paggamit ng katubigan sa bansa lalo na sa inaasahang pagtama ng El Niño.

Tugon din aniya ito sa plano ng Marcos administration na ayusin ang water resources management ng Pilipinas.

Punto pa ni Lee, kahit walang El Niño ay malaking tulong ang DWRM para sa mga magsasaka na kulang o walang irigasyon ang mga sakahan.

“Even without El Niño, many of our farmers already suffer from the effects of water shortage. May mga magsasaka po tayo na matagal nang nagtitiis at pinoproblema ang pagkakaroon ng maayos na irigasyon. Ngayong tag-init, marami sa mga sakahan ang natutuyot, na malaking kabawasan sa kanilang produksyon,” saad ng mambabatas.

Isa si Lee sa mga mambabatas na nagtutulak para sa pagbuo ng DWRM.

Sa kasalukuyan, kasama ang kaniyang House bill 2880 sa mga panukalang pinaplantsa ngayon ng binuong technical working group.

“Sa pagsasaayos sa pangangasiwa ng tubig, mas maitataguyod ang kalusugan ng mamamayan sa pagkakaroon ng access sa malinis na inumin, makakaiwas sa malaking pinsalang maaaring idulot ng bagyo, malawakang pagbaha at tagtuyot, at mas maisusulong ang food security.” dagdag ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us