Inaasahan ni Senador Risa Hontiveros na agad na maghahain ang ating pamahalaan ng diplomatic protest kaugnay ng panibagong insidente sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi rin ni Hontiveros, na dapat ay kasabay nito ay magpahayag rin ang Malacañang ng pagkondena sa walang tigil na pananakot, pagpapahirap at pagbabanta ng Tsina sa ating bansa.
Kailangan na rin aniya na seryosong tingnan ang pagrepaso sa ating pambansang patakaran tungkol sa China.
Pareho ring isinusulong ni Hontiveros at ni Senador JV Ejercito ang aktibo at matapang na pagbuo ng mas malalaking alyansa sa ibang mga bansa.
Para kay Ejercito, pambabastos sa ating soberanya ang patuloy na pambu-bully ng China sa ating bansa.
Iginiit ni Hontiveros, na bumuo ng mas malaking koalisyon ng mga bansa laban sa agresyon ng Tsina, mga bansang itinataguyod ang ating tagumpay sa The Hague, at nais mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. | ulat ni Nimfa Asuncion