Hinimok ng car manufacturer Toyota Philippines ang pamahalaan na magkaloob ng inclusive tax incentives sa electric vehicles upang maisulong ang electrification ng automotive industry at mapagaan ang epekto ng climate change.
Sa panayam kay Sunshine Cabrera, public relations head ng Toyota PH, sinabi nito na mahalaga ang mga insentibo upang mahikayat ang mga Pilipino na lumipat sa EVs.
Ang Toyota PH ay hindi pa naglalabas ng isang fully electric vehicle line sa bansa at naghahanda ito para sa hybrid vehicles.
Noong Enero ay inilabas ng Philippine government ang Executive Order No. 12 series of 2023, na naglalayong ibaba ang tariff rates para sa EVs at mga piyesa nito sa unang limang taon.
Gayunman ay tumanggap ito ng magkakahalong reaksiyon dahil hindi nito isinama ang electric motorcycles sa tax breaks, gayong karamihan sa mga motorista sa bansa ay gumagamit ng motorsiklo na may walong milyong units na nakarehistro sa Land Transportation Office.
Ipinanawagan din ng mga kilalang stakeholders at think tanks ang pagsama sa e-motorcycles sa tax breaks, binigyang-diin na ang pinakamalaking bilang ng mga motorista ay hindi dapat ietsa-puwera.
Ang electrification ng transport ay bahagi rin ng plano ng Philippine government na makamit ang target nito na mabawasan ang lower carbon emissions at makasunod sa Paris Agreement upang mapanatili ang global warming below 2 degrees celsius.
Ilang landmark bills na rin ang inaprubahan upang suportahan ito, sa pangunguna ng Republic Act 11697 o ang Electric Vehicle Industry Development Act. | ulat ni Lorenz Tanjoco