Itinutulak ni House Deputy Speaker Ralph Recto na gawing mandatory ang pagsusuot ng body camera sa mga isasagawang drug buy bust operation.
Ayon sa mambabatas, malaking tulong ito para sa prosekusyon ng mga sangkot at paraan din para masawata ang sabwatan at bribery.
Ani Recto, ang footage ng bodycam ang pinakamainam na ‘resibo’ o ebidensya sa krimen.
Hindi na aniya dapat umasa na lamang ang mga otoridad sa lamppost CCTV at sa halip ay gamitin ang body cam na makukunan ang lahat ng pangyayari bago, habang at pagkatapos ng operasyon.
“Whether the narcotics seized weigh one kilo or one ton, a video recording is the best receipt there is,” Recto said. Mainam kung may resibo na mahirap ipagkaila. ‘Ika nga, ‘may bodycam sa katawan at may dashcam sa sasakyan,” saad ni Recto.
Katunayan, dapat aniya ay bahagi na ang bodycam ng “OOTD” ng mga pulis na sasabak sa mga operasyon laban sa droga.
Punto nito na kung ang mga tree-planting at gift-giving ng mga presinto ay naka-Facebook live, ay mas lalong dapat na may video ang paghuli sa mga salot sa lipunan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes