Para kay Senador Chiz Escudero, sapat na ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi papayagan ng ating gobyerno na magamit ng Estados Unidos ang mga bagong sites para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa kanilang military offensive.
Ayon kay Escudero, ang naging pahayag na ito ng Punong Ehekutibo ay maituturing nang official policy ng bansa pagdating sa EDCA sites bilang si Pangulong Marcos ang chief architect ng ating foreign policy.
Dagdag pa ng senador, ang policy statement ni Pangulong Marcos ay para sa interes ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino at hindi para lang pakalmahin o suyuin ang sinumang bansa.
Matatandaang una nang naglabas ng babala ang pamahalaan ng China na maaaring madamay ang Pilipinas sa posibleng gulo sa Taiwan Strait kung ang mga bagong EDCA sites ay magagamit ng Estados Unidos bilang staging area.
Ilan kasi sa mga bagong EDCA sites ay nasa Cagayan na malapit lang sa Taiwan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion