Pamilya Teves, direktang pinangalanan ni Mayor Janice Degamo na nasa likod ng patayan sa Negros Oriental

Facebook
Twitter
LinkedIn

Direktang tinuro ni Pamplona Mayor Janice Degamo sina Representative Arnulfo ‘Arnie’ Teves Jr. at kanyang mga kaanak, sa mga nagaganap na patayan sa Negros Oriental.

Ito ang naging matapang na pahayag ng biyuda ni Negros Oriental Governor Roel Degamo, sa pagpapatuloy ng Senate inquiry tungkol sa kaso ng patayan sa kanilang probinsya.

Bukod kay Rep. Teves, pinangalanan rin ni Mayor Janice sina Henry Teves, Kurt Matthew Teves, Axl Teves, Mayor Jack Teves Raymond, at Tomasino Tokoy Aledro na dapat bantayan kaugnay ng patayan sa probinsya.

Ayon sa alkalde, totoo ang pagkakaroon ng private army ng mga Teves at ito ang dahilan kaya takot ang mga otoridad sa Negros Oriental sa kanila.

Aniya, walang makagalaw sa mga Teves dahil maging ang PNP, mga hukom, prosecutor, abugado, piskal, Comelec, DAR at DENR sa Negros Oriental ay takot umaksyon, kapag ang mga Teves ang kalaban.

Dahil dito, nananawagan si Mayor Janice sa Senado, publiko at media na samahan silang mga taga Negros Oriental sa pagbabantay, at pagkuha ng hustisya para sa kanilang probinsya.

Umaasa aniya silang makakamit na ng Negros Oriental ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang probinsya. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us