Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pinabibilis na nito ang parselisasyon ng mga lupain na ipinamahagi sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa lalawigan ng North Cotabato.
Ayon sa DAR, kabilang sa sakop rito ang mga lupain ng collective certificates of landownership award (CCLOAs) na matatagpuan sa mga Barangay Pacao, Camansi, Paruayan, Upper Dado, Malitubog, Rangayen at Lower Dado.
Ayon kay DAR Soccsksargen Regional Director Mariannie Lauban-Baunto, may mga naka-deploy ng field validation teams para mapabilis ang aktibidad sa pagtukoy ng eksaktong sukat at hangganan ng mga lugar na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na ibibigay sa mga ARB.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng opisyal na ang parselisasyon ng lupa ay bahagi ng kanilang layuning mapagbuti ang seguridad sa panunungkulan sa lupa at magpapatatag sa mga karapatan sa ari-arian ng mga ARB. | ulat ni Merry Ann Bastasa