Tiniyak ni PNP Public Information Office (PIO) Chief, Police Col. Red Maranan na handa ang PNP na humarap sa panibagong imbestigasyon ng senado kaugnay ng nakumpiskang 990 kilo ng shabu mula kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo noong nakaraang Oktubre.
Ang pahayag ay ginawa ni Maranan, matapos na humiling si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ng legislative inquiry sa senado, sa umano’y nangyayaring tangkang “cover up” sa insidente.
Samantala, sinabi naman ni Maranan na handang magpaliwanag si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa media kaugnay sa isyu ng “cover up” sa tamang panahon.
Tumanggi naman si Maranan na magbigay ng iba pang reaksyon sa naging pahayag ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. dahil si PNP Chief Azurin na aniya ang mismong sasagot dito.
Matatandaan na sa press conference ni PNP-Drug Enforcement Group Director Police BGen Narciso Domingo kahapon sinabi nyang ang lahat ng pagkilos ng PDEG kaugnay ng narekober na 990 kilo ng shabu ay ipinaalam nila kay Gen. Azurin. | ulat ni Leo Sarne