Pinapayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasan na muna ang real time na pagpo-post sa social media kaugnay sa kanilang bakasyon, ngayong Semana Santa.
Paalala ito ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo upang makaiwas ang publiko sa mga mananamantala sa pagiging abala o pagbiyahe ng malayo at matagal ngayong Holy Week.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng opisyal na ito ay upang hindi magkaroon ng ideya ang mga kriminal na nakaabang ng impomasyon sa cyber space.
“At lagi nating paalala, hangga’t maaari, iwasan natin na mag-post sa ating respective social media accounts na tayo ay bibiyahe. Huwag natin i-post ‘yung ating plane ticket, bus tickets, dahil iyan naman ay ginagawa nating paalala, para sa mga kriminal na nagbabantay rin sa cyber space ay hindi magkakaroon ng ideya na kayo ay bibiyahe at walang tao sa inyong mga tahanan.” — Col. Fajardo.
Ayon pa kay Col. Fajardo, makabubuti kung sisiguruhin na nakakandadong maigi ang mga pinto at bintana, at ibilin sa kanilang kakilala ang iiwang bahay. | ulat ni Racquel Bayan