Handa umanong tumulong ang Police Regional Office 11 (PRO 11) sa National Bureau of Investigation 11 (NBI 11) para pagpapatuloy ng imbestigasyon laban sa Kapa Community Ministry International Inc., isang religious group na nasangkot sa Ponzi investment scheme.
Sa isinagawang AFP-PNP Press Corps Southern Mindanao Media Briefing, sinabi ni PRO 11 spokesperson Maj. Eudisan Gultiano na sa ganda ng relasyon ng kapulisan sa rehiyon at NBI 11, tutulungan agad nito ang nasabing ahensya para sa kanilang imbestigasyon.
Pero, ayon kay Gultiano wala pang natatanggap na request ang PRO 11 mula sa NBI 11 para sa nasabing imbestigasyon ng Kapa sa rehiyon.
Kamakailan, kinatigan ng Court of Appeals ang pamahalaan hinggil sa validity ng mga ginamit na search warrants na inilabas ng Manila Regional Trial Court na ginamit ng NBI para halughugin ang mga opisina nito sa buong bansa.
Matatandaang sa Davao Region, naging sentro ng operasyon ng Kapa ang probinsya ng Davao del Sur kung saan naging elected official pa ang coordinator ng Kapa sa lalawigan. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao