Bilang pormal na pagbubukas ng Semana Santa sa Cebu, isang misa para sa Linggo ng Palaspas ang ginanap sa Cebu Metropolitan Cathedral sa pangunguna ni Cebu Archbishop Jose Palma.
Iwinagayway ng mga debotong Cebuano ang kanilang bitbit na palaspas sa bukana ng cathedral, ang hudyat ng pormal na pagsisimula ng Semana Santa na tatapusin sa April 9, Easter Sunday.
Inanunsyo ni Palma na 100% nang balik sa nakasanayang aktibidad para sa Holy Week ngayong 2023 ang Archdiocese of Cebu gaya ng solemn foot procession, maging ang pisikal na pagdalo sa religious services.
Sa kabila nito, nagpaalala pa rin ang lider ng simbahang Katoliko na dapat pa ring mag-ingat sa banta ng COVID-19 at iba pang nakahahawang sakit kung kaya’t ibayong ingat ang dapat gawin ng mga deboto.
Kahit hindi na ipinagbabawal, hangga’t maaari aniya ay iwasan ang paghalik sa mga imahen bilang pag-iingat sa kalusugan ng bawat isa. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu