Hinimok ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Migrant Workers (DMW) na maglatag ng mga hakbang para maprotektahan ang mga Pilipinong nasa Taiwan sakaling sumiklab ang gulo sa pagitan ng China at Taiwan.
Ito ay kasunod na rin ng pagpapadala ng China ng warships at aircrafts sa Taiwan Strait, matapos bumisita sa Estados Unidos si Taiwanese President Tsai Ing-Wen.
Ayon kay Go, dahil sa development na ito sa Taiwan Strait ay dapat nang maghanda ang pamahalaan ng Pilipinas partikular na ang DMW, para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa Taiwan.
Dapat aniyang magkaroon na ng preemptive measures ang ahensya para sa maayos at ligtas na repatriation ng mga kababayan natin doon, at plano para sa pagbibigay sa kanila ng alternatibong kabuhayan kapag bumalik na sila dito sa ating bansa.
Binigyang diin ng senador, na dapat proactive at advance mag-isip ang pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon.
Bukod sa DMW, nanawagan rin ang mambabatas sa iba pang mga ahensya ng gobyerno na magtulungan na makabuo ng komprehensibong plano para sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW). | ulat ni Nimfa Asuncion