Tiwala si Senador Sherwin Gatchalian na tuluyan nang maisasabatas ang panukalang Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) program para sa higher education students matapos ang resulta ng survey na nagsasabing mayorya ng mga Pilipino ang suportado ang naturang programa.
Base sa Pulse Asia survey na ginawa noong March 15 to 19, 2023, lumalabas na halos walo sa 10 Pilipino ang pabor sa ROTC sa kolehiyo.
Batay sa survey, 78% ng mga respondent sa buong bansa ang sumasang-ayon sa mandatory ROTC, 13% ang hindi sumasang-ayon, 8% ang hindi matukoy kung sumasang-ayon ba sila o hindi, at ang iba pa ay nagsabing hindi sapat ang kanilang kaalaman upang magkaroon ng opinyon sa isyu.
Ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit suportado ng maraming Pilipino ang ROTC ay ang paniniwalang matututo ang kabataan ng disiplina at responsibilidad (71%); paiigtingin nito ang kahandaan ng mga kabataang ipagtanggol ang bansa (60%); at mahahasa ang kanilang kakayahan bilang mga lider (59%).
Nanindigan rin si Gatchalian na may safeguards ang panukalang batas gaya ng pagkakaroon ng Grievance Board sa bawat ROTC unit na tatanggap sa mga reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korapsyon. | ulat ni Nimfa Asuncion