Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat magkaroon ng preferential treatment ang Estados Unidos sa Pilipinas pagdating sa trade at investment, bilang isa tayo sa kanilang mga pangunahing security ally.
Kabilang ito sa mga natalakay ni Zubiri kay US Trade Representative Ambassador Katherine Tai na nasa bansa ngayon para humingi ng suporta para sa US trade policies sa ilalim ng administrasyon ni US President Joe Biden at palawakin ang kanilang Indo-Pacific Economic Framework (IPEF).
Ayon sa Senate president, nabanggit rin niya sa naturang pagpupulong ang pangangailangan ng mga bansang may parehong pananaw para sa kapayapaan, demokrasya, at rule of law na mapatatag ang kanilang relasyon hindi lang pagdating sa defense and security, kundi maging sa trade and investment.
Sinabi naman aniya ni Tai na paiigtingin ng Estados Unidos ang economic partnership nito sa Pilipinas.
Nagpasalamat ang mambabatas sa hakbang na ito kasabay ang pag-asang mas maraming American companies, na umaalis ng China at iba pang mga bansa, ang lilipat dito sa ating bansa.
Kabilang pa aniya sa napag-usapan sa pagpupulong ang pagkakaroon ng clean and green economy, digital economy, trade-facilitation, supply chain, sustainable agricultural practices, at iba pa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion