Malaki ang pasasalamat ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes sa Marcos Jr. administration, sa pagbibigay halaga sa mga nakatatanda.
Kasunod ito ng paglalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng ₱42.931-billion health insurance premiums na pakikinabangan ng nasa 8.5 million enrolled senior citizens.
Aniya anomang halaga na ilaan para sa kalusugan ng mga nakatatanda ay malaking bagay lalo na kung ikokonsidera ang kanilang naging ambag sa lipunan.
“(Ako) ay lubos na nalulugod at labis na nagpapasalamat sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dahil sa patuloy na pagmamalasakit sa nakakatandang populasyon ng bansa. Gayundin sa pamunuan ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez dahil sa lubos na pag-intindi sa kapakanan ng ating senior citizens. Anumang halaga na inilalaan para sa kalusugan ng ating senior citizens ay malaking tulong sa kanila at pagtanaw sa kanilang naging kontribusyon sa lipunan at kapwa,” ani Ordanes.
Umaasa naman ang kinatawan na mailabas na rin ang implementing rules and regulations para sa Expanded Senior Citizen Pension kung saan mula ₱500 ay ₱1000 ang buwanang pensyon ng indigent senior citizens.
Makakaasa rin aniya ang mga lolo at lola na kanilang tatrabahuhin sa Kamara ang iba pang mga panukala para sa kanilang benepisyo at pangangailangan.
Kabilang dito ang inihain niyang House Bills 7487, 7488, 7489, 7490 at 7491, na ang layon ay bigyan ng mga karagdagang benepisyo at pribilehiyo ating ating senior citizenzs.
Ito ay para sa pagbibigay ng senior citizen’s discounts depende sa kanilang edad; minimum na ₱25,000 death benefit, exemption sa travel tax at terminal fees sa mga senior citizens at persons with disabilities; pagpapatibay ng pangmatagalang pag-aalaga sa kanila; at pagbibigay exemption sa senior citizens sa number coding scheme.
“Ako bilang kinatawan ng humigit kumulang 12 milyong senior citizens sa bansa ay patuloy na magsusulong ng mga panukalang batas para matiyak na napapangalagaan ang kalusugan, karapatan at kapakanan nila,” dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes