Hinikayat ngayon ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang 92 bagong abogado ng kagawaran na magserbisyo nang naaayon sa batas at maglingkod ng tapat at may dignidad.
Ayon sa kalihim, simula pa lamang ito ng kanilang mahabang paglalakbay sa legal na propesyon kung saan hinimok nito ang mga bagong abogado na magtiwala sa hustisya ng bansa.
“Bilang mga abogado, marapat lamang na ating tiyakin na ang hustisya ay ating maihatid nang walang takot at buong karangalan para sa kapakanan ng mga mamamayan,” pahayag ni Sec. Abalos
Pinapurihan ni Abalos ang 15 bagong abogado mula sa DILG Regional Offices at 77 mula sa attached agencies gaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), National Police Commission (NAPOLCOM), at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na matagumay na nakapasa sa 2022 Bar examination.
Punto nito, ang kanilang tagumpay ay tagumpay ng buong bansa at nawa’y maging inspirasyon sa mga Pilipino na ipagtanggol ang mga naaapi nang walang kinatatakutan. | ulat ni Merry Ann Bastasa