Umakyat na sa 58.2 milyon ang bilang ng mga subscriber identity module (SIM) card na nairehistro na hanggang nitong April 3, 2023.
Batay sa pinakahuling tala ng National Telecommunications Commission o NTC, katumbas na ito ng 34.69% ng halos 169 milyong telco subscribers sa bansa.
Aabot na sa 29,417,929 ang nakarehistro sa Smart Communications Inc., o katumbas ng 44.37% ng kanilang subscribers.
24,398,734 naman ang nairehistro na sa Globe Telecom Inc., o katumbas ng 28.13% ng kanilang subscribers habang mayroon na ring 4,461,333 nakarehistrong sim sa DITO Telecommunity o 29.81% ng kabuuang subscribers.
Patuloy namang hinihikayat ni DICT Spokesperson at Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ang publiko na magparehistro na agad at huwag nang hintayin pa ang deadline o sa April 26, 2023.
Nagpapaalala rin ito sa publiko na manatiling maingat laban sa mga manloloko na nag-aalok ng tulong sa pagpaparehistro ng SIM. | ulat ni Merry Ann Bastasa