Iminungkahi ng isang digital advocacy group sa pamahalaan na ibaba na sa mga barangay ang pagpaparehistro ng SIM cards.
Layon nitong makatulong sa pagpapabilis ng registration at mabigyan ng kumbinyenteng access ang publiko, upang mahikayat na magparehistro lalo na iyong mga nasa tinatawag na vulnerable sector.
Ayon kay Ronald Gustilo, National Campaigner ng Digital Pinoys, kilala na ng bawat opisyal ng barangay ang kanilang mga nasasakupan at hindi na rin kailangang bumiyahe pa ng malayo para lang magparehistro.
Kaya naman hinimok ni Gustilo ang Department of Information and Communications Technology (DICT), na makipag-ugnayan na sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para rito.
Dagdag pa ni Gustilo, hindi na rin magiging problema ang kawalan ng ID ng mga magpaparehistro dahil kahit ang barangay ay maaaring maglabas ng ID para gamiting validation sa SIM registration. | ulat ni Jaymark Dagala