Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez ang kanyang pagkadismaya hinggil sa pagkakasangkot umano ng ilang mataas na opisyal ng PNP sa drug cover-up.
Kasunod ito ng pagkaka-relieve ng ilan sa high-ranking officers ng pambansang pulisya dahil sa tangkang pagtatakip sa kasong kinasasangkutan ni dating Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Nahuli si Mayo noong October 2022 at natuklasan ang 990 kilos ng shabu na nakaimbak sa kanyang opisina na nagkakahalaga ng P6.7-billion.
Sa isang press conference kamakailan ay sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na kinailangang i-relieve sa pwesto ang ilang PNP official kasama na sina Police Lt. Gen. Benjamin Santos at Brig. Gen. Narciso Domingo ng PNP Drug Enforcement Group dahil sa naturang isyu.
Nakakalungkot, anang House leader, na ang mismong mga opisyal na dapat susugpo sa droga ang nasasangkot sa iligal na gawain.
“I am dismayed and saddened to learn that some of those accused of alleged involvement are members of the PNP Drug Enforcement Group, the very same people tasked to go after peddlers of illegal drugs,” ani Romualdez.
Suportado naman ng Leyte solon ang pagkakasa ng malalimang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan.
Gayundin ang paglilinis sa hanay ng PDEG.
“While an in-depth investigation to ascertain the truth is being undertaken, measures to reorganize the police force’s drug unit should be implemented,” dagdag ng House Speaker. | ulat ni Kathleen Jean Forbes