Iminumungkahi ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na magdeklara ng State of Calamity sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa paraan aniyang ito ay mas magiging madali ang pagkakasa ng emergency measures, upang mapigilan ang paglawak ng epekto ng ASF sa suplay ng karne ng baboy.
Sa kasalukuyan, 54 na probinsya at 460 na munisipalidad sa bansa ang apektado ng ASF.
Aniya, oras na ideklara ang state of calamity ay magagamit ang bahagi ng contingency fund ng Bureau of Animal Industry (BAI) pambili ng anti-ASF vaccine.
Una nang hinimok ng mambabatas na agad na magpatupad ng nationwide ASF vaccination ang pamahalaan sa mga piggery at hog business lalo na yung mga backyard raiser.
“Amid the proposed initial rollout of vaccines this year, the DBM and BAI can then work on a regular budget plan that can be incorporated into next year’s General Appropriations Act (GAA), so the Bureau can continue this year’s vaccination drive in 2024,” paliwanag ni Villafuerte.
Muli rin nitong ibinabala, na oras na magkaroon ng kakulangan sa suplay ng karne ng baboy ay magreresulta ito sa pagtaas ng presyo ng karne na lalong magpapabigat sa gastusin ng publiko dahil sa nananatiling inflation sa pagkain.
“Preventing another upward spiral in pork prices in the retail market is the last thing we need at this time of continued elevated inflation, given how the runaway prices of such meat items after the ASF first resurfaced in the Philippines in 2019 had induced inflationary pressures that severely hurt Filipino consumers,” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes