Kailangang matugunan muna ang mga usapin sa sektor ng edukasyon bago muling ibalik sa dating academic calendar ang pasok ng mga mag-aaral sa mga paaralang nasa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Pahayag ito ni House Committee on Basic Education Chair Rep. Roman Romulo kasunod ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan pa ang mga suhestiyong ibalik sa summer season ang school break ng mga mag-aaral.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng mambabatas na kailangan munang matiyak na matatag ang mga school building, mula sa hagupit ng bagyo, lalo’t panahon ng tag-ulan ang Hunyo at Hulyo, o iyong dating simula ng pasukan ng mga mag-aaral.
Katuwang ang Department of Health (DOH), kailangan rin aniyang matiyak ang kalusugan ng mga mag-aaral, laban sa mga sakit tuwing tag-ulan.
Dapat rin aniyang makipag-ugnayan ang DepEd sa Commission on Higher Education (CHED), upang matiyak na tugma pa rin ang umpisa ng klase ng mga nasa kolehiyo, sa pagtatapos ng klase ng mga nasa basic education.
“Ang importante talaga, makita ng administasyon natin, DepEd, ang mga datos na magpo-point out, makakatulong sa tuloy – tuloy na pag-aaral, ng quality education ng ating learners, at ligtas ang kanilang kalusugan.” —Rep. Romulo. | ulat ni Racquel Bayan