Nababahala ngayon ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga napaulat na sunod-sunod na karahasan sa mga komunidad.
Kabilang dito ang pagkamatay ng isang barangay councilor sa Sta. Maria, Bulacan at pati ang pagkasawi ng college student na si Leanne Daguinsin na pinagsasaksak sa kaniyang dormitoryo sa Dasmariñas City, Cavite.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na labis nitong kinukondena ang insidente at nanawagan sa agarang pagkamit ng hustisya at pagpapanagot sa mga nasa likod ng krimen.
Nagkasa na rin ang komisyon ng independent motu proprio investigation sa mga naturang kaso.
Kasunod nito ay muli namang hinikayat ng CHR ang mga otoridad na umaksyon nang matigil ang mga ganitong karahasan sa mga komunidad habang hinimok rin ang mamamayan na manatiling nakaalerto at isumbong ang mga insidente ng karahasan at pang-aabuso. | ulat ni Merry Ann Bastasa