Nangako si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ilalabas na ng kaniyang komite sa mga susunod na araw ang report at mga rekomendasyon ng kaniyang komite patungkol sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito ay matapos maglabas na ng hiwalay na chairman’s report si Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian tungkol sa economic effect ng POGO kung saan nirerekomenda nito ang agarang pagpapatigil ng operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Dela Rosa, kabilang sa mga lalamanin ng ilalabas nilang committee report ay ang rekomendasyon na ilagay sa iisang lugar ang lahat ng mga POGO para mas mabantayan silang maigi at maiwasan ang mga POGO-related crimes.
Taliwas naman sa rekomendasyon ni Gatchalian na agarang total ban sa POGO, sa ilalabas na committee report ni Dela Rosa ay irerekomendang gawing phase-by-phase o unti-unti ang pagpapatigil sa operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Maaari aniyang gawin ito sa loob ng isa o hanggang dalawang taon.
Nilinaw naman ni Dela Rosa na dahil parehong tungkol sa POGO ang kanilang mga committee report at mga rekomendasyon ay pag-iisahin sa plenaryo ng senado ang report niya at ni Gatchalian. | ulat ni Nimfa Asuncion