Muling umapela si Vice President Sara Duterte sa mga magulang na protektahan ang mga anak laban sa recruitment ng teroristang New People’s Army (NPA).
Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng Marilag Festival sa Sta. Maria, Laguna, inihalintulad ni VP Sara ang NPA sa ilegal na droga at mga kriminal na dapat ilayo sa mga kabataan.
Dapat aniyang sama-samang labanan ang local terrorism dahil sinisira nito ang kinabukasan ng mga kabataan.
Kasabay nito, nanawagan ang pangalawang pangulo sa mga magulang na gabayan at ipakita sa mga anak ang kahalagahan ng edukasyon tungo sa pagkakaroon ng magandang buhay.
Ipinunto pa nito na walang “shortcut” sa tagumpay at kailangan ng pagsisikap sa edukasyon.
Ibinahagi naman ni VP Sara ang inilunsad na “MATATAG Agenda” ng Department of Education noong Enero, na layuning tugunan ang mga suliranin sa sektor ng edukasyon kabilang ang imprastraktura at pagdadagdag ng teaching at non-teaching personnel. | ulat ni Hajji Pantua Kaamiño